20 Jul
20Jul

Ano ba tayo ngayon at noon? May mga oras na ako'y nagtataka na tila ba'y nilisan na tayo ng tadhana. Saan na ba tayo napunta? Nandyan ka pa rin ba o sadyang lumayo ka na? 

Patuloy lang ang agos ng alon kasabay ng pag agos ng aking buhay. Pangarap natin na ating sinimulan ngayon ay nasaan. Saglit lang dumaan ang kupido pero parang naiba ang ikot ng mundo mo.

Di ko kayang lumayo pero ikaw ay nasa malayo. Mahal kita yan ang alam ko pero parang iba ang laman ng nararamdaman mo. Isang pangungusap na gumugulo, ayaw nitong huminto. Sige na... ako na. Mahal kita pero mahal mo pa rin ba ako o nagbago na?

Palagay ko sinimulan natin sa pag ibig na di totoo tapos nahulog ako at sinalo mo. Pagmamahalang nagsimula sa hindi sigurado. Nabuo ng ako'y inalagaan mo. Walang tayo pero napapasaya mo ko.

Ano ba ang titulo ng buhay ko sayo, mahal mo rin ba ako? O sadyang nangangarap pa rin ako.

Sa punto ng mga binibigkas ko, siguradong alam mong ikaw lang ang laman nito. Maliban na lang sa mga laman loob na narito, pero isang ngiti mo lang tumitibok na ang puso ko para sayo.

Love, mahal, babe? Kahit ano dyan ang gusto mong itawag ko. Pag nakasama kita hindi ko bibitawan ang kamay mo. Sayo lang ako, at sana wala na akong kaagaw sa puso mo. Pero paano mangyayari yun kung wala ka sa tabi ko?

Oo nga pala, wala naman pala ako sa tabi mo. Pagmamahal ko sayo, lumilipad hanggang sa inyo. Nasa iba akong ibayo pero parang ika'y katabi ko. Mahal kita yan ang alam ko.

Sa tagal ng panahon. Meron pa ba akong puwang sa puso mo? Oras na lumipas bigla ka na lang nawala. Natangay na ba ng alon o sumabay sa paglipad ng ibon papalayo ang pagmamahal mo. Nag iba na ba talaga ng tuluyan ang nararamdaman mo o sadyang pagod ka lang at kailangang huminto. 

Hindi naman kailangan huminto kundi kailangan bumalik sa umpisa. Pero paano kung ayaw mo na, may magagawa pa ba ako? O magpapakatanga na naman ako sa kakahintay sayo. Ikaw lang ang gusto ko pero parang nasasaktan ako.

Huminto na ba ang pagmamahal mo o sabihan na nating minahal mo ba talaga ako? Ako lang ba ang may gusto at nagpapanggap ka lang na ako'y gusto mo. Patawad na dahil ako'y malayo, pero sana sa paglapit ko ay maramdaman mo ulit ako.

Nagpapakatanga na lang ba ako? O baka naman ay napunta na ako sa maling tao, pero yun pa rin ang aking ginusto. Matagal na tayong buo, mawawasak na lang ba yun ng ganito. Sana hindi dumating ang oras, na kapag sawa ka na ay susuko ka na lang at hindi magpaparamdam bigla.

Pero bakit parang nangyari na? Ayaw mo na ba o nagbubulag bulagan lang ako sa maling tao na katulad mo. Paalam na ba o ako'y may pag asa pa.


Written by 𝘼𝙠𝙮 𝙏𝙖𝙗𝙚𝙧𝙙𝙤.

Comments
* The email will not be published on the website.